MANILA, Philippines – Simula sa Hulyo 19 ay mas mahaba na ang validity ng prepaid cellphone loads matapos itong sang-ayunan ng mga telecommunication companies sa joint public hearing kahapon ng Senate committee on trade and commerce at public services kahapon, sinabi ni National Telecommunications Commission (NTC) Commissioner Ruel Canobas, ang P10 load ay maaari nang umabot ng tatlong araw, samantalang ang P50 load na dati ay limang araw ay paaabutin ng hanggang 15 araw.
Kung mas malaki aniya ang ilalagay na load ay mas matagal na ito ngayong magagamit.
Nangako rin ang mga telcos na simula sa Hulyo 23 ay titigilan na ang pagpapadala ng mga spam messages kung hindi ito hinihiling ng mga subscribers.
Pinag-aaralan na rin kung pwedeng gawing kada tatlong segundo ang singil sa halip na bawat minuto sa tawag sa cellular phone.
Samantala, pinag-aaralan na rin umano ng NTC ang mungkahi ni Senate President Juan Ponce Enrile na iparehistro na ang bawat subscriber identity module (SIM) card ng mga cellphone users para makatulong sa pagtugis ng mga kriminal.
Bunsod ito ng magkasunod na pagsabog sa Cotabato gamit ang cell phone bilang triggering device ng bomba.
Naniniwala ang senador na mas mabilis na matutukoy ang suspek kung irerehistro ang SIM card. (Malou Escudero)