MANILA, Philippines – Medical procedures na lang ang nagpapalawig ngayon sa buhay ni dating pangulong Corazon Aquino na dumaranas ng sakit na colon cancer.
Ito ang nabatid kahapon sa television host at aktres na si Kris na nagsabi pa na hindi na kaya ng katawan ng kanyang ina ang procedures ng chemotherapy.
Nilinaw din ni Kris na hindi kailanman nakitaan ng panghihina ng kalooban ang kanyang ina at hindi rin ito ang umayaw sa chemotherapy kundi hindi na kaya ng katawan ng dating Pangulo.
Sinabi pa ni Kris na, bagama’t batid ng kani lang pamilya na talagang wala pang permanenteng lunas sa pinagdadaanan karamdaman ng kanilang ina, simula’t sapol ay wala pa rin silang tigil sa pag-hikayat sa dating Pangulo na subukan ang lahat ng paraang medical para labanan ang kanser.
Kabilang sa mga pinagdaanang proseso ng dating Pangulo ang colon surgery, selective internal radiation therapy procedures, at ilang beses na chemotherapy na ngayon ay hindi na kayang tanggapin ng katawan nito.
Binanggit pa ni Kris na noong nakaraang buwan ay hinintuan na ang chemotherapy sessions sa dating Pangulo dahil masyado nang mahina ang pangangatawan nito.
Sinabi pa ni Kris na sa ngayon ay iniibsan na lamang ang sakit na nararamdaman sa katawan o pagdurusang pisikal ng kanilang ina at pinapalawig na lamang sa ngayon ng ilang prosesong medical ang buhay nito. (Rose Tesoro)