Bomber nasa Metro na!
MANILA, Philippines - Plano rin umano ng mga bomber ng Jemaah Islamiyah, Abu Sayyaf at Moro Islamic Liberation Front na bombahin ang Kongreso at mga kampo ng militar sa Metro Manila.
Ito ang nabatid kahapon kay Armed Forces of the Philippines-National Capital Region Command Chief Major General Jogy Leo Fojas na nagsabi pa na minomonitor na ng kanilang mga intelligence operatives ang naturang mga grupo.
Sinabi pa niya na kasalukuyang gumagala sa Metro Manila ang mga bomb expert ng JI, Abu Sayyaf at MILF.
Isa umano sa target ng mga terorista ang batasan building na pinagsesesyunan ng House of Representatives at pagdarausan din ng State of the Nation Address ni Pangulong Gloria Arroyo sa Hulyo 27. Gayundin ang mga kampo ng militar sa kalakhang Maynila.
Dahil dito, ayon kay Fojas, isinailalim na sa red alert status ang buong puwersa ng militar sa Metro Manila mula pa kahapon ng umaga.
“Wala pa namang mga report pero merong posibilidad na umabot sa kalakhang Maynila ang mga pambobomba sa Mindanao,” sabi pa ni Fojas.
Kabilang rin sa mga mahigpit na babantayan ng mga awtoridad ang MRT, LRT stations, oil depot, terminals ng mga pampublikong transportasyon, malls, bisinidad ng US Embassy at iba pa.
Dahil dito, naghigpit na sa mga checkpoints ang militar katuwang ang puwersa ng pulisya upang maiwasang maipasok ng naturang mga teroristang grupo ang mga bomba.
Nanawagan rin ito sa mga sibilyan na maging vigilante at ireport kaagad sa mga awtoridad ang mga kahinahinalang inaabandonang mga bagahe at maging ang kahina-hinalang kilos ng mga personalidad na posibleng mga teroristang planong maghasik ng terorismo.
Inihayag din kahapon ng Philippine National Police na may tinututukan ng lead ang mga imbestigador hinggil sa serye ng madugong pambobomba sa ilang lugar sa Mindanao.
P1-M sa ulo ng Cotabato bomber
Isang milyong piso naman ang pabuya ng pamahalaang lunsod ng Cota bato sa sinumang makapagtuturo para maaresto ang utak sa madugong pambobomba sa harapan ng Immaculate Concepcion Church sa Cotabato City noong Hulyo 5 na aabot na sa 6 ang death toll habang mahigit pa sa 50 ang nasugatan.
Ayon kay 6th Infantry Division (ID) spokesman Lt. Col. Jonathan Ponce ng Philippine Army, ang P1 milyong reward ay inisyatibo ng pamahalaang lungsod ng Cotabato sa pamumuno ni Mayor Muslimin Sema.
Aminado naman si Pon ce na malaki ang maitutulong ng pagpapalabas ng reward upang matukoy at maaresto ang may kagagawan sa pambobomba.
Una nang itinuro ng militar na ang rouge elements ng MIL F -SOG ang nasa likod ng pagpapasabog na umano’y sinanay pa ng JI terrorist.
- Latest
- Trending