9 na lugar election 'hotspots'
MANILA, Philippines - Mula sa pito ay nasa siyam na lugar na ang ire rekomenda ng Philippine National Police (PNP) na isailalim sa kontrol ng Comelec bilang mga “hotspots” dahil sa matinding banggaan ng mga magkakalabang pulitiko dito, presensya ng mga armadong grupo at dating rekord ng karahasan sa pulitika.
Kabilang dito ang Masbate, Nueva Ecija, Abra, Maguindanao, Sulu, Basilan, Samar, Lanao Sur at Lanao del Norte.
Dahil dito, inutos na ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa ang review at pag-validate sa listahan ng mga lugar na maaaring mapasama sa Election Areas of Concern (EAC) o “hotspots” upang makapaghanda ang PNP sa pagpapatupad ng seguridad para maiwasan ang mga pagdanak ng dugo.
Patuloy naman ang pagtutok ng PNP sa pagkumpiska sa mga loose firearms upang maiwasan ang pagdanak ng dugo partikular na sa mga lugar na idedeklarang hotspots. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending