Duque pinatatahimik sa AH1N1
MANILA, Philippines – Ipinahiwatig kahapon ni Senator Joker Arroyo na magkaroon ng news blackout kung ilan na ang tinatamaan ng AH1N1 sa Pilipinas dahil hindi naman umano nakakatulong ang pag-aanunsiyo nito.
Ayon kay Arroyo, mas dapat pagtuunan ng pansin ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque at ng media ang paghahatid ng impormasyon kung ano ang dapat gawin para masugpo ang AH1N1 at iwasan na ang paghahayag na patuloy na tumataas ang bilang ng mga may sakit.
Nakakasira umano sa imahe ng bansa ang patuloy na pagtaas ng bilang ng may AH1N1 na araw-araw namang inaanunsiyo ni Duque.
Sinabi pa ni Arroyo na parang ipinagyayabang pa ng mga nag-aanunsiyo ang patuloy na pagdami nang nagkakasakit ng AH1N1 at hindi iniisip ang masamang implikasyong idudulot nito.
Lumalabas aniya na dahil patuloy ang pagdami ng nakaka-H1N1, hindi kayang kontrolin ng gobyerno ang sitwasyon.
Sinabi naman ni Senator Richard Gordon sa Ba litaan sa Senado na dapat ipakita ng gobyerno na kontrolado nito ang sitwasyon dahil naaapektuhan na rin maging ang turismo.
“It’s bad for our country because we can’t seem to show the world that we are getting our act together. Yung tourism mo magsu-suffer,” sabi ni Gordon.
Dapat umanong ipaalam sa mga mamamayan kung ano ang dapat talagang gawin dahil siguradong kakalat pa ang nasabing sakit.
Pagsuspinde sa klase sa lahat ng eskwelahan giit
Kaugnay nito, muling iginiit ni Gordon na dapat suspindehin ng sabay-sabay ang klase sa lahat ng eskuwelahan bilang tugon sa problema.
Maari aniyang magkaroon ng plano ang Department of Education (DepEd) katulad nang pagpapadala ng mga lesson plan sa bahay ng mga estudyante.
Pero nilinaw ni Gordon na ang DOH pa rin at hindi ang DepEd ang dapat na magdesisyon para sa pagsuspinde ng klase.
- Latest
- Trending