MANILA, Philippines – Inaasahang makalalaya at makakauwi na sa Pilipinas ang isang domestic helper na Pilipina na naunang hinatulang mabitay sa Kuwait dahil sa kasong pagpatay matapos na pagkalooban ito ng pardon ng emir ng naturang bansa.
Batay sa ulat ni Department of Foreign Affairs Undersecretary for Migrant Workers Affairs Esteban Conejos Jr., inihahanda na ng Philippine Embassy sa Kuwait ang mga kaukulang dokumento para makauwi ang naturang Pilipina na si May Vecina.
Si Vecina ay hinatulang mabitay ng Kuwaiti courts dahil sa pagpatay kay Salem Sulaiman Al-Otaib, ang pitong taong gulang na anak na lalaki ng kanyang amo, at tangkang pagpatay sa mga kapatid ng biktima na sina Abdulla, 13, na ginilitan umano ng leeg at ni Hajer, 17, na sinak sak naman umano nito noong Enero 6, 2007.
Ikinatwiran ni Vecina na nagawa lamang niya ang krimen matapos na dumanas umano siya ng physical at mental abuse mula sa kamay ng kanyang mga employer na naging sanhi upang mawala siya sa kanyang tamang pag-iisip.
Pero, dahil sa apela ng pamahalaang Pilipino, ibinaba ng emir ang hatol kay Vecina at ginawang habambuhay na pagkabilanggo.
Gayunman, sinabi ni Vice President Noli de Castro sa isang pahayag kahapon na pinagkalooban na ng Emir na si Sabah al-Ahmad al-Jaber al-Sabah ng full pardon si Vecina. (Mer Layson)