MANILA, Philippines - Malamang na dumami ang bilang ng mga sasak yan na hindi agad mairehistro sa Land Transportation Office bunsod na rin ng reklamo ng mga Private Emission Test Centers na kulang at halos hindi maibigay ng LTO sa kanila ang inaasahang kopya ng Certificate of Emission Compliance (CEC) na ginagamit sa pag-emission sa mga irerehistrong sasakyan.
Ang CEC ay binibili ng mga emission centers sa LTO. Isa itong certificate na paglalagyan ng emission test certificate ng mga sasakyan na nasuri na ang usok.
Sa ngayon, nakapila na ang mga Petc personnel sa Property Division ng LTO para bumili ng CEC forms.
“Araw araw gusto nila 100 forms lang ang ibenta, dati rati ay pang isang linggo ang binebenta nila, ngayon pang isang araw lang kaya kung maraming irerehistrong sasakyan, hindi mairerehistro kase walang CEC forms,“ ayon sa reklamo ng nakapilang Petc personnel.
Kapag hindi agad nairehistro ang sasakyan o lumampas sa takdang araw ng rehistro ay 50 percent ng kabuuang halaga ng rehistro ang penalty para sa late registrants. (Angie dela Cruz)