MANILA, Philippines – Takdang balasahin ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang kanyang Gabinete kasunod ng paglilipat kay dating Justice Secretary Raul Gonzalez sa ibang posisyon.
Sinabi kahapon ni Deputy Presidential Spokesperson Lorelei Fajardo na karamihan sa mga miyembro ng Gabinete na nakatakdang kumandidato sa halalan sa 2010 ay kinakailangang magbitiw sa kanilang tungkulin sa sandaling maghain na sila ng kanilang kandidatura.
Hindi naman pinangalangan ni Fajardo ang mga miyembro ng Gabinete na kakandidato pero, sa sandaling maghain na sila ng kanilang kandidatura, dapat magbitiw na sila sa kanilang mga posisyon.
Aniya, asahan na ang mga bagong mukha sa Gabinete sa Nobyembre at Disyembre.
Kamakalawa ay itinalaga bilang chief presidential legal counsel si Gonzalez na naghayag na kakandidatong mayor sa Iloilo. Pumalit sa kanya sa Department of Justice si Solicitor General Agnes Devanadera. (Gemma Garcia)