MANILA, Philippines – Inoobligahan nang magpa-enroll sa mga pamantasan sa Metro Manila sa pamamagitan ng internet ang mga dayuhang estudyante bilang bahagi ng pag-iingat laban sa influenza AH1N1 flu virus.
Partikular na inoobligahan sa online enrollment ang mga dayuhang estudyante na hindi pa dumadaan sa 10 araw na quarantine.
Isang halimbawa rito ang University of the East na nagpayo sa mga estudyanteng dayuhan na magpatala sa pamamagitan ng website ng UE. Sinabihan din ang mga estudyanteng Pilipino na nanggaling sa ibang bansa na magpa-self quarantine muna para makatiyak na malayo sila sa naturang sakit.
Gumastos rin ang unibersidad para maglagay ng “thermo scanners” sa mga campus nito upang mamonitor ang temparatura ng mga estudyanteng pumapasok.
Kinansela naman ng University of the Philippines ang tradisyunal na “welcome assembly” kahapon. Sinasabing ang UP ang may pinakamaraming dayuhang estudyante.
Mamahagi rin naman ang Polytechnic University of the Philippines ng mga “campaign materials” kontra A/H1N1 flu at nakaalerto ang medical staff nito sa pagbubukas ng klase sa Lunes.
Sa Ateneo de Manila University, sinabihan din ang mga dayuhan at lokal na estudyanteng nagbuhat sa ibang bansa na magpakuwarantina muna.