Sa pagsuspinde sa pasukan: Make-up class inutos
MANILA, Philippines - Inatasan ni Education Secretary Jesli Lapus ang lahat ng paaralan sa Metro Manila na magsagawa ng “make-up” classes tuwing Sabado upang bawiin ang mga nawalang oras dahil sa suspensyon ng klase bunsod ng mga pag-ulan.
Pinatitiyak ni Lapus na makakamit pa rin ng mga paaralan ang 204 schooldays mula Hunyo 1, 2009 hanggang Marso 31, 2010.
Alinsunod ito sa DEPED Order Number 25 matapos ang suspensyon ng klase noong Hunyo 3 hanggang 5.
Ipinaalala rin ni Lapus sa mga opisyal ng paaralan ang kanilang alituntunin sa suspensyon ng klase.
Nauna rito, ilang pamantasan sa Metro Manila ang nagsuspinde ng pagbubukas ng klase sa kolehiyo hanggang sa susunod na linggo dahil sa pangamba sa influenza AH1N1 virus.
Naunang inihinto ang klase sa De La Salle University nang magpositibo sa naturang virus ang anim na estudyante nito na pawang nagmula sa ibang bansa. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending