BNPP bill matutulad sa constituent assembly

MANILA, Philippines - Nagpahayag ng pa­ngamba ang grupong “No To BNPP revival” na mai-railroad dito ng Kamara ang kinatatakutan nilang panukala ni Pangasinan Rep. Mark Cojuangco na naglalayong i-operate ang matagal nang nakateng­gang Bataan Nuclear Po­wer Plant.

Sinabi ni Dr. Giovanni Tapang, spokesman ng na­turang grupo na isang malaking pagkakamali ng mga kongresista kung ang House bill 6300 ni Co­juangco ay matutulad sa Con-Ass resolution na iniratsada ng Kamara.

Ayon kay Tapang, da­pat na matulad sa BNPP na nakatiwangwang at inaaalikabok na lamang ang panukala ni Cojuang­co dahil bukod sa hindi ito sagot sa inaasahang kaku­langan sa suplay ng Kur­yente sa 2012 ay mapa­nganib ito para sa publiko.

Sayang din lamang umano ang P100 Milyon na inilaan nito sa pag-aaral lamang kung ligtas ang BNPP na i-operate sa kabila na deka-dekada ng pagkakasara nito.

Mas mabuti umanong gamitin na lamang ang salaping ito para sa pag­develop ng ibang energy sources mula sa likas na yaman ng bansa. (Angie dela Cruz)

Show comments