MANILA, Philippines – Tila palpak na naman ang Department of Education sa ginawang kan selasyon ng klase sa elementarya at high school dahil alanganing oras na ito inianunsyo kahapon kaya maraming estudyante na ang sumuong sa ulan sa baha.
Ipinakansela ni DepEd National Capital Region Director Teresita Domalanta ang klase sa mga panghapon at ilang evening classes kapwa pribado at pampublikong paaralan dakong alas-9 na ng umaga.
Sa umiiral na kasunduan ng DepEd, Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Adminstration (Pagasa) at National Disaster Coordinating Council (NDCC), ihahayag ang suspensyon ng klase bago mag-alas-10 ng gabi upang agad na maabisuhan ang mga magulang. Isasagawa ito depende sa suhestiyon ng Pagasa at NDCC kung saan ang Malacañang mismo ang maghahayag.
Bunsod nito’y, maraming magulang ang nagpahatid ng kanilang reklamo sa DepEd bunga ng alanganing oras ng suspensiyon ng klase kung saan ikinatuwiran ni DepEd information officer, Kenneth Tirade na walang ibinigay na rekomendasyon ang Pagasa kaya hindi sila nagpahayag ng anumang suspension ng klase, lalo pa at wala naman bagyo kaya hindi nagpatupad ng automatic suspension sa mga klase.
Pinayuhan naman ni Domalanta ang mga magulang na huwag nang papasukin ang kanilang mga anak kung sa tingin nila ay malalagay sa panganib ang kalusugan ng mga ito. (Danilo Garcia)