MANILA, Philippines – Nanawagan ang grupong Akap-Bata sa Kongreso na madaliin ang pagpasa ng batas laban sa child pornography at patawan ng mabigat na parusa ang sinumang lalabag dito.
Ayon kay Akap Bata Executive Director Ar lene Brosas, isa sa mga nagsusulong ng nasabing batas ay si Rep. Nikki Teodoro, chairperson ng Committee on the Welfare of Children, kasama nito ang ilang socio-civic at religious group.
Sinabi ni Brosas na isang tulad ni Teodoro ang kailangan ng kabataan para malabanan ang lumalaganap na child pornography.
Umaasa naman si Brosas na agad na maisasabatas ang House Bill 684 ni Rep. Teodoro dahil lumagda dito ang 120 kongresista bilang co-author ng nasabing batas.
“Dahil sa pagbibigay ng malakas na suporta ng iba’t-ibang grupo na nagmamalasakit sa mga bata, madaling maisasabatas ang HB 684 na una ng pinaghirapan ni Rep. Teodoro,” wika ni Brosas. (Butch Quejada)