Nursing pinakapopular pa rin na kurso sa kolehiyo
MANILA, Philippines - Sa kabila ng papababang pangangailangan sa abroad, nangunguna pa rin ang “nursing” sa pinakapopular na kursong kinukuha ng mga bagong enrollees sa kolehiyo ngayong taon, ayon sa Commission on Higher Education.
Sa inisyal na datos na nakalap ng CHED, nakapagtala na ng 422,978 na naka-enroll ng estudyante sa kursong nursing, ikalawa ang hotel and restaurant management (HRM) na may 123,523 enrollees; kasunod ang “Elementary Education” na may 95,725 enrollees at nasa ikaapat ang kursong “Computer Science” na may 95,134 enrollees.
Sinabi ni CHED Chairman Emmanuel Angeles na marami pa rin sa mga kabataan ang umaasa na ang kursong nursing ang maghahatid sa kanila na makakuha ng trabaho sa ibang bansa sa kabila ng pababang “demand” nito ngayon.
Gayundin umano ang kursong HRM na maraming bansa ang nangangailangan ng hotel employees lalo na sa Dubai.
Ang iba pang mas popular na kurso kada taon ay ang “Criminology, Accountancy, Management, Secondary Education at English Education”. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending