Lakas-Kampi bet sa Hulyo pa malalaman
MANILA, Philippines - Nilinaw kahapon ng Malacañang na wala pang pinal na desisyon ang binuong koalisyon ng mga makaadministrasyong partidong Lakas at Kampi kung sino ang magiging kandidatong presidente at bise presidente nito sa halalan sa susunod na taon.
Sinabi ni Presidential Adviser on Political Affairs Gabriel Claudio na bagaman magpupulong at pormal na magsasanib ngayon ang Lakas-NUCD at Kampi, wala pa itong ihahayag na standard bearer nito sa halalan.
Ayon kay Claudio, tagapangulo ng unification committee ng Lakas at Kampi, layunin ng pagsasanib ng mga partidong ito ang pagpapalakas sa partido ng administrasyon para sa 2010.
Posibleng sa Hulyo o Agosto malalaman na kung sino ang mapipiling standard bearer ng Lakas-Kampi na ibabatay sa consensus ng mga party officials at resulta din ng konsultasyon sa mga local officials na miyembro ng koalisyon.
Mismong si Pangulong Arroyo ang mangunguna sa kauna-unahang Lakas-Kampi national meeting na dadaluhan din ng mga Lakas officials na sina Quezon City Mayor Feliciano Belmonte, Metro Manila Development Authority Chairman Bayani Fernando, Senador Juan Miguel Zubiri, Kampi chairman at Interior and Local Government Secretary Ronaldo Puno, House Speaker Prospero Nograles at Camarines Sur Rep. Luis Villafuerte.
Kumpirmadong dadalo din sina Vice President Noli de Castro at Defense Secretary Gilbert Teodoro na napapabalitang pinagpipilian para maging standard bearer ng koalisyon.
Kasabay nito, inihayag ni Zubiri ang pagbibitiw niya bilang secretary-general ng Lakas para magkaroon ng pagkakataon ang koalisyon na maghalal ng bago nitong mga opisyal.
Samantala, sinabi ni Senador Miriam Santiago na hindi siya bilib sa tambalang de Castro at Puno dahil kapwa walang pera ang mga ito para gastusin sa eleksyon.
Ginawa ni Santiago ang pahayag makaraang ideklara ni Puno kamakalawa na kakandidato itong bise presidente.
Ayon kay Santiago, dapat ikonsidera ng lahat ng kakandidato ang tatlong bagay na kinabibilangan ng popularidad, pera, at organisasyon.
Sa kaso umano ni Puno, hindi naman ito popular para manalong bise presidente ng bansa at hindi man lamang ito nakakasama sa mga survey.
Hindi rin umano sapat ang popularidad ni de Castro para masiguradong mananalo ito sa halalan. (RudyAndal/Malou Escudero)
- Latest
- Trending