MANILA, Philippines – Inireklamo ni dating Cavite Congressman Gilbert Remulla sa Senate ethics committee si Senador Ana Consuelo “Jamby” Madrigal dahil sa anya’y pangit na asal nito.
“Sobra na ang kanyang inaasal,” sabi ni Remulla na tagapagsalita rin ng Nacionalista Party na pinangunguluhan ni Senador Manuel Villar.
Ginawa ni Remulla ang hakbang kasunod ng pagtawag sa kanya ni Madrigal bilang “corruption king ng Cavite.”
“Sa dalawang termino ko bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Cavite, hindi ako kailanman nasangkot sa anumang katiwalian, Hindi rin ako kailanman naiugnay sa ganito,” sabi pa ng kongresista.
Inihalimbawa rin ni Remulla sa asal ni Madrigal ang walang batayan at malisyosong bintang nito kamakailan na nagpulong umano sa Spain sina Villar at Pangulong Gloria Arroyo nang magkita ang dalawa sa naturang bansa.
“Bilang senador, inaasahan mula kay Jamby Madrigal na maging buhay na huwaran ng pagiging marangal. Subalit sa nakasanayan na nitong “gutter speak” upang makapasok sa mga balita, nilapastangan niya ang mahabang listahan ng mga lalaki at babae na pawang naging bahagi ng Senado, Sa katunayan, nilait na niya mismong ang Senado bilang institusyon,” sabi ni Remulla.
“Kasiraan siya sa mabuting pangalan ng kaniyang lolo, si dating Senador Vicente Abad Santos na isang industriyalista at statesman. Si Madrigal ay malaking kabaligtaran,” dagdag pa ng mambabatas. (Butch Quejada)