MANILA, Philippines – Sinampahan ng kasong estafa ang dating Konsehal ng Tanauan, Batangas matapos umanong mabigo itong magbayad ng utang na nagkakahalaga ng P18.6 M.
Sa record ng korte si Herminio R. Vivas ay nangutang umano sa President Jose P. Laurel Bank Inc., kung saan iprinenda nito ang kanyang pitong ari-arian.
Noong Marso 2008 ay tinangka umano ni Vivas na makuha ang owners duplicate copies ng mga titulong naiprenda nito ngunit hindi ito nagtagumpay dahil sa hindi pa nakakabayad ng kanyang utang.
Bunsod nito’y napilitan si Vivas na mag-isyu ng mga cheke ng RCBC na may petsang March 15, 2008 para makuha ang mga nasabing titulo.
Subalit pagsapit ng nabanggit na petsa ay tumalbog ang inisyu nitong cheke dahil isinara nito ang kanyang account sa RCBC.
Makailang ulit na umanong pinaabisuhan si Vivas hinggil sa tumalbog nitong cheke ngunit hindi ito umaksiyon. (Angie dela Cruz)