MANILA, Philippines - Ilang miyembro ng media mula sa iba’t ibang pahayagan, radyo at telebisyon ang bumaybay sa kahabaan ng kontrobersyal na C-5 road extension pro jecty upang linawin kung totoo ang mga paratang na katiwalian laban kay Sen. Manuel Villar, Jr.
Sinabi ni Villar na umaasa siya na nakita ng mga miyembro ng media na ang mga ibinibintang sa kanya ng kanyang mga kalaban sa Senado ay pawang kasinungalingan.
Nauna rito, sinabi ni Villar na may kulay politika ang mga bintang sa kanya dahil pulos mga presidentiables na Senador ang tumitira sa kanya.
Mula Coastal Road (Road 1) patungong Cavite, binabaybay ng media ang kahabaan ng naturang extension project mula sa ikalawang flyover sa naturang lugar (coastal road) na siyang paglalaanan sana ng P200 milyon sa 2008 national budget hanggang C-5 proper.
Nakita rin ng mga reporters ang unang flyover sa kahabaan ng Sucat Road sa Parañaque na tumagos sa SM Sucat mula sa Las Piñas patungong South Luzon Expressway na dadaan naman sa Multi-National Village.
Sa panayam, sinabi ni Villar na gagamitin ang ikalawang P200 milyon na inilaan sa naturang proyekto upang magtayo ng flyover sa coastal road patungong Cavite mula C-5.
“Dito (coastal road) ang unang flyover-dalawa talaga ang P200 milyong nakasaad sa badyet, hindi double entry kasi gagamitin ang unang P200 milyon para sa flyover sa Sucat Road at dito (coastal road) ang pangalawang P200 milyon,” ayon kay Villar.
Sinabi pa ni Villar na umabot lamang sa 5% hanggang 7% ng ari-arian ng kanyang kompanyang Adelfa Properties Inc., na siyang may-ari ng Golden Hayven Memorial Park ang nagamit at nabayaran alinsunod sa itinakda ng batas hinggil sa zonal value.
Ipinaliwanag pa ni Villar na kung hindi pinayagan ng kanyang kompanya na dumaan ang extension road project sa lupain nito, wawasakin ng proyekto ang daan-daang kabahayan sa naturang lugar. (Malou Escudero)