MANILA, Philippines - Nailigtas ng mga Nigerian military ang may 13 hostage, na kinabibilangan ng siyam na Pinoy at apat na Nigerian, mula sa kamay ng mga militante sa Niger Delta.
Sa ulat na nakarating sa tanggapan ng Department of Foreign Affairs (DFA), unang nailigtas at napalaya ang 10 bihag, kabilang ang anim na Pinoy at apat na Nigerian noong Biyernes na kinidnap mula sa oil industry service ship na MV Spirit, kasunod na rin ng crossfire sa pagitan ng mga militante at ng mga government troops.
Gayunman, ibinalita kahapon ni Army spokesman, Col. Rabe Abubakar, na tatlo pang Pinoy ang kanilang nabawi mula sa mga militante sa Niger Delta.
Magugunita na nitong Miyerkules ay magkasunod na hinayjack ng mga armadong kalalakihan ang MV Spirit sakay ang 15 crew kabilang ang 6 na Pinoy sa karagatang sakop ng Gbaramatu ng Nigeria’s Delta State at ang MT Chikana na nasabat sa Warri Delta Port.
Sa ginawang rescue operations, isang Pinoy seamen ang minalas na masawi nang mahagip ng ligaw na bala noong Biyernes nang magkaroon ng sagupaan sa pagitan ng militante at mga militar.
Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa umano nakukuha ang impormasyon hinggil sa pagkakakilanlan ng biktima. (Mer Layson/Ellen Fernando)