Lazaro aayudahan ng NPC sa laban vs GSIS
MANILA, Philippines - Nag-alok ng tulong ang National Press Club sa batikang broadcast journalist na si Cheche Lazaro sa kanyang “legal battle” sa Government Service Insurance System dahil sa mga implikasyon nito sa mala yang pamamahayag.
Sa lingguhang “No Holds Barred” media forum, sinabi ni NPC President Benny Antiporda na nararapat na pagkalooban ng hindi matatawarang suporta si Lazaro ng NPC na pinakamalaking organisasyon ng mga mamamahayag dahil sa malinaw na pangha-harass sa kanya ng GSIS para itigil nito ang paglalabas ng istorya tungkol sa mga umano’y tiwaling gawain ng kanilang mga opisyal.
Sinabi pa ni Antiporda na maituturing na panibagong “David and Goliath” ang labanang ito nina Lazaro at ng GSIS.
Nabatid na nahaharap si Lazaro sa kasong paglabag sa Republic Act 4200 o Anti-Wiretapping Law sa Pasay City court na isinampa ni Ella Valencerina, GSIS vice president for public relations and communications, dahil sa umano’y hindi awtorisadong pagsasahimpapawid ng bahagi ng kanilang usapan sa TV program na “Probe” na lingguhang napapanood sa ABS-CBN network.
Sa naturang episode na pinamagatang “Perwisyong Benepisyo” na ipinalabas noong Nob.12, 2008, ipinakita si Lazaro habang kinakapanayam ang GSIS official sa telepono.
Iginiit naman ni Lazaro na ipinabatid niya kay Valencerina at pumayag ito sa naturang telephone interview na tumatalakay sa mga reklamo ng mga guro sa pampublikong paaralan na patuloy na pinagkakaitan ng kanilang mga benepisyo ng naturang pension fund subalit sapilitan siyang pinagbabayad ng buwanang kontribusyon. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending