MANILA, Philippines - Pinatutugis na ng Philippine Navy ang whistleblower ng P46 milyong Balikatan fund scandal na si Navy Lt. Senior Grade Nancy Gadian.
Ito ay matapos na Ideklarang Absent Without Official Leave (AWOL) si Gadian ng mabigo itong magreport sa serbisyo makaraan ang 30-araw ng kanyang leave o bakasyon mula noong Marso 9-Abril 21, kung saan sa ilalim din ng regulasyon ng AFP, pinaaaresto ang sinumang miyembrong AWOL.
Sa ngayon si Gadian ay sumasailalim sa imbestigasyon ng Phil. Navy Efficiency and Separation Board dahil sa umano’y hindi tamang paggasta sa P2.3M pondo na bahagi ng P46M proyekto sa Balikatan.
Gayunman, umapela pa rin si AFP-Public Information Office Chief Lt. Col. Romeo Brawner Jr., na sumuko na lang si Gadian at harapin ang kasong “desertion at Insubordination. Nagpadala na rin ng isang yunit ng tracking team ang Navy sa huling tirahan ni Gadian at isasailalim na lang ito sa kustodya ng otoridad.
Pinawi rin ni Brawner ang pangamba ng kaanak ni Gadian na ito ay malalagay sa kapahamakan sa oras na ito ay lumantad dahil sa pagsasabit sa pangalan ni dating AFP Western Mindanao Command Ret. Lt. Gen. Eugenio Cedo na umano’y ginawang “milking cow” ang P46M pondo ng Balikatan, na agad din naman itinanggi ng huli dahil maliit na bahagi lang ng pondo ang napunta sa joint military exercises sa ilalim ng kanyang pamamahala.
Inaasahan naman na maghaharap sina Cedo at Gadian sa imbestigasyon ng AFP dahil iimbitahan ng AFP ang una para sagutin ang naturang akusasyon laban sa kanya.