Minorya nag-walkout sa Senate probe vs Villar
MANILA, Philippines – Walang duda si Senate minority leader Aquilino Pimentel Jr. na nakadisenyo para “bitayin” si Sen Manny Villar ang inaprubahang rules ng Senate Committee of the Whole sa imbestigasyon sa C-5 Road project.
Ginawa ni Pimentel ang pahayag kahapon nang pigilin siya ni Senate President Juan Ponce Enrile na suriin ang panuntunan ng komite na pinapaniwalaan ng minorya na nakadisenyo para idiin si Villar sa reklamong inihain ni Sen Jamby Madrigal.
“Sa ganitong sitwasyon, ipagpaumanhin ninyo ang pagtanggi naming makilahok sa tila pagmamadaling bitayin ang isang kasamahan nang walang pagdinig,” sabi pa ni Pimental bago nag-walkout sa sesyon ng komite.
Unang iginiit ni Sen. Joker Arroyo na dapat ipalathala muna sa mga pahayagan ang inaprubahang panuntunan bago simulan ang preliminary investigation dahil ito ang rekomendasyon ng Korte Suprema.
Iginiit ni Arroyo na walang dahilan para apurahin ang preliminary investigation sa reklamo laban kay Villar maliban na lamang kung sadyang may kinalaman sa 2010 elections ang pagdinig sa C-5 road project.
Nanindigan naman si Enrile na walang basehan ang alegasyon ni Pimentel at hindi nila inaapura ang pagdinig, “para bitayin ang sinoman pati na ang ginoong nagsasalita,” sabi pa ng pangulo ng Senado.
Sinermunan pa ni Enrile ang grupo ng minorya na dalhin sa Korte Suprema ang kanilang reklamo sa pamamahala ng mayorya sa pagdinig kay Villar.
Sumunod na nag-walkout sa pagdinig si Senador Peter Allan Cayetano na isang oras munang nakisali sa diskusyon bago lumayas. Hindi dumalo si Villar sa pagdinig. Muling itinakda ang ethics probe sa Mayo 18. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending