MANILA, Philippines – Pinaiimbestigahan ni Senator Miriam Defensor-Santiago ang napaulat na “book blockade” na posibleng maging dahilan para walang makapasok na imported na mga libro sa bansa.
Ayon kay Santiago, dapat imbestigahan ang pagpapataw ng Bureau of Customs ng custom duties sa mga imported books na magiging dahilan upang irekonsidera ng mga importers ang pag-import ng mga libro.
Ayon sa BOC, sa ilalim ng Book Publishing Industry Development Act, ang tanging exempted lamang sa import taxes at duties ay ang mga “books or raw materials” na gagamitin sa book publishing.”
Dahil sa nasabing kautusan ng BOC, ang mga foreign books ay mas naging mahal at posibleng mawala na nang tuluyan sa mga local bookstores.
Pero naniniwala si Santiago, tagapangulo ng Senate foreign relations committee, na ang interpretasyon ng BOC sa naturang batas ay labag sa isang tratado na nilagdaan ng Pilipinas para sa importasyon ng mga libro mula sa ibang bansa. (Malou Escudero)