MANILA, Philippines – Nakatakdang ipatawag sa Lunes ng National Bureau of Investigation (NBI) ang ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at mga pribadong contractor kaugnay sa isinasagawa nitong imbestigasyon upang tukuyin ang mga pulitiko at iba pang opisyal ng pamahalaan na ayon sa World Bank (WB) ay tumutulong umano upang manipulahin ang bid para sa nationwide road project nito.
Ayon kay NBI spokesman Atty. Ric Diaz, magpapalabas na sila ng subpoena sa limang miyembro ng DPWH Bids and Awards committee, gayundin sa tatlong pribadong kumpanya na lumahok sa umano’y kuwestyonableng bidding.
Tumanggi naman si Diaz na pangalanan ang mga nasabing personalidad dahil ang detalye umano ng imbestigasyon ay nananatiling confidential.
Siniguro din ni Diaz na simula sa susunod na linggo ay magiging “full blast” na ang kanilang imbestigasyon sa kontrobersiya at posibleng sa Lunes ay magsimula na rin silang mag-isyu ng subpoena.
Nilinaw din ni Diaz na ang pagpapatawag sa mga nasabing personalidad ay bahagi lamang ng kanilang “forensic accounting” upang bumuo ng mga ebidensiya na kinakailangan.
Kinakailangan rin umano nila ng mga documentary at testimonial evidence ng sabwatan bago sila magrekomenda ng prosekusyon.
Ang NBI ang naatasang manguna sa imbestigasyon laban sa mga private contractors at mga indibidwal na posibleng sangkot sa World Bank (WB) road fund anomaly.
Samantala, ayon kay Diaz, hindi pa tiyak kung ipatatawag din si First Gentleman Jose Miguel Arroyo, na matatandaang nakaladkad din ang pangalan sa naturang anomalya. (Gemma Amargo-Garcia)