Elevated U-turn interchange magdurugtong sa 6 lungsod
MANILA, Philippines - Pinasinayaan na kahapon ng umaga ang multi-milyong kauna-unahang elevated U-turn interchange sa bansa na proyekto ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nagdurugtong naman sa 6-siyudad at isang bayan ng Kalakhang Maynila.
Dakong alas-10 ng umaga nang pasinayaan ang naturang proyekto mismo ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na kararating lamang sa bansa.
Ayon kay MMDA chairman Bayani Fernando, bagama’t nasa P6 na milyong pondo ang naigugol mula sa kaban ng bayan sa naturang proyekto, kung tutuusin aniya ay higit na mas nakatipid pa kesa sa unang planong pagtatayo ng mga underpass at overpass na kakain sana ng may mahigit sa P350 milyon.
Nabanggit pa ni Fernando na sa pamamagitan ng naturang elevated U-turn interchange na isinakatuparan sa loob lamang ng 10 buwan na makikita sa C-5 Road/Kalayaan Avenue ay mas madali ng makunekta ang mga motorista mula sa South Luzon Expressway ng Taguig patungo sa north end ng C-5, McArthur Highway ng Valenzuela City at ng North Luzon Expressway.
Bukod pa rito, sa bilis na 43.61 kilometer-per-hour at mula sa 19.7 kilometrong C-5 Road ay mararating na mula dito ng mga motorista sa naturang travel speed ang mga lungsod ng Quezon City, Mandaluyong, Pasig, Marikina, Makati, Taguig at ng Pateros.
Bukod naman sa pagluwag ng trapiko, bilyong piso rin umano ang matitipid sa gasolina, oras, vehicle maintenance, government expenses, equipment at kuryente sa paggamit ng nasabing elevated U-turn interchange.
“There is nothing like this in the world, only in the Phiippines. C-5 Road is now the best alternative for motorists using EDSA, thus freeing up traffic volume in the 24-kilometer national highway,” pahayag ni Fernando. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending