P18M patong sa ulo nina Joma et al
MANILA, Philippines - Ipinalabas kahapon ng pamahalaan ng P18 milyong pabuya sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon sa ikadarakip sa mga sangkot sa pagpaslang sa mga media men sa Pilipinas.
Kabilang sa isinasangkot ng militar sa pagpatay sa mga mamamahayag ang tagapagtatag ng Communist Party of the Philippines at New People’s Army na si Jose Maria Sison at iba pang lider ng CPP-NPA.
Ito ang nabatid kahapon kay Philippine National Police spokesman Supt. Nicanor Bartolome bagaman nilinaw niya na ang P18 milyong reward na magmumula sa Department of Interior and Local Government ay bukod pa sa P25 milyong reward na ipinalaan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo para madakip ang mga lider-komunistang sangkot sa pagpatay sa ilang political personality.
Ayon kay Bartolome, maraming lider at miyembro ng NPA ang sangkot sa pagpatay sa mga media men.
Bukod kay Joma, kabilang umano sa sangkot sa naturang mga patayan ang tagapagsalita ng NPA na si Gregorio Rosal alyas Ka Roger at 20 pang personalidad sa kilusang komunista. Ang iba umanong suspek ay mga hired killer.
Sinabi pa ni Bartolome na magpapalabas sila ng mga poster ng mga suspek.
Sina Sison at Rosal ay kapwa isinasangkot sa pagpatay sa reporter na si Nelson Nadura sa Masbate.
Batay sa tala, si Nadura na isang broadcaster ng DYME radio Masbate ay dating miyembro ng NPA na pinagbabaril ng hinihinalang mga dati niyang kasamahan sa kilusang komunista sa tapat ng kanilang radio station sa Masbate noong Disyembre 2, 2003. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending