59 bagong kaso ng AIDS naitala
MANILA, Philippines – Umaabot sa 59 bagong kaso ng Human Immunodeficiency Virus/Acquired Immunodeficiency Syndrome (HIV/AIDS) ang naitala sa bansa nito lang nakalipas na Marso 2009.
Batay sa report ng Philippine HIV and AIDS Registry para sa buwan ng Marso 2009, 10 sa 59 indibidwal na nakumpirma ng STD/AIDS Cooperative Central Laboratory (SACCL) na infected ng HIV/AIDS ay pawang mga OFWs at nahawa ng sakit dahil sa pakikipagtalik.
Ang nasabing bilang ay mas mataas umano ng 55 porsyento kumpara sa 38 kaso lamang na naitala ng Department of Health noong Marso 2008.
Nabatid na 81 porsyento ng nasabing bagong kaso ay pawang mga lalaki at edad 19-59 taong gulang.
Ang 34% naman nito ay nasa 20-24 years old lamang at ang 46% ay naitala sa National Capital Region (NCR).
Umaabot naman sa 98% ng mga bagong kaso ay pawang asymptomatic pa lamang ng mai-report habang isang bading naman na nagkaka-edad ng 59 anyos ang kumpirmadong mayroon nang full-blown AIDS. Wala namang naiulat na nasawi sa mga biktima sa nasabing buwan.
Bunsod naman ng mga bagong kaso ng HIV Ab seropositive cases, lumilitaw na umaabot na sa kabuuang 3,760 ang mga indibidwal na may HIV/AIDS sa bansa na naitatala ng DOH simula nang isagawa nila ang regular na monitoring ng sakit noong Enero 1984.
Ang 809 (22%) sa mga ito ay pawang full-blown AIDS cases na at umaabot na sa 317 ang kumpirmadong nasawi sa nasabing sakit.
Isang porsyento nito (49 kaso) ay pawang mga bata na wala pang 16 taong gulang at nahawa lamang ng sakit mula sa kanilang mga ina. (Doris Franche)
- Latest
- Trending