May-ari ng kumpanyang nanloko sa 137 bus drivers sa Dubai pinapahanting ni Jinggoy
MANILA, Philippines – Katulad ng mga ordinaryong kriminal, balak ni Senator Jose “Jinggoy” Estrada na ipalathala sa mga pahayagan ang larawan ng may-ari ng CYM recruitment agency na nanloko sa 137 bus drivers sa Dubai upang mapilitan ang mga itong lumantad at magpakita sa Senado.
Sa hearing kahapon ng Senate Committee on Labor kaugnay sa 137 Filipino bus drivers na pinangakuan ng trabaho sa Dubai, natuklasan ng komite na nagpalabas na ng preventive suspension ang Philippine Overseas Employment Agency (POEA) laban sa CYM agency.
Bagaman at inimbitahan ng komite si Connie Paloma ng CYM, lumabas na sarado na ang nasabing kompanya kaya kakailanganin pa ng komite na kunin ang address ng may-ari nito sa Securities and Exchange Commission upang maimbitihan sa mga susunod na hearing.
Hihilingin rin ng komite sa Bureau of Immigration at Department of Justice ang paglalagay sa watchlist ng may-ari ng CYM upang hindi makalabas ng bansa.
Ang pagdinig ay base na rin sa Senate Resolution 990 na inihain ni Estrada na naglalayong imbestigahan ang sinapit ng mga nalokong bus drivers.
Halos lahat ng mga nalokong bus drivers ay nangutang lamang ng nasa P150,000 placement fee mula sa RJJ lending institution.
Lumalabas na mahigit pa sa 5-6 ang ibabayad ng mga drivers dahil aabot sa P450,000 sa loob ng 15 buwan ang dapat nilang ibalik sa RJJ.
Natuklasan din na naka-freeze hiring ang kompanya na pagta-trabahuhan sana ng mga bus drivers.
Sa ngayon ay may 115 pang bus drivers ang natitira sa Dubai at 22 pa lamang ang nakakabalik sa bansa. Ang 80 umano sa nasabing bilang ay nagbabalak nang magtrabaho sa Qatar. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending