Erap abswelto sa 'Jose Velarde'
MANILA, Philippines - Tuluyan ng naabsuwelto si dating pangulong Joseph Estrada sa kasong illegal use of alias matapos na katigan ng Supreme Court ang unang desisyon ng Sandiganbayan na nagdedeklara na walang nilabag ang una sa Commonwealth Act 142 na nagreregulate sa paggamit ng alyas.
Ipinaliwanag ng SC na hindi naging lantad sa publiko ang ginawa ni Estrada na paggamit ng alyas tulad ng Jose Velarde sa kanyang bank account at ito ay hindi na naulit.
“Sa ilalim ng batas, hindi pinapayagan na gumamit ng alyas ang isang indibidwal kung ito ay lantad sa publiko at makailang ulit na ginagawa. Sa kaso ni Estrada ay palihim nitong ginamit ang alyas na Jose Velarde bagama’t nalalaman ito ng ilang opisyal at kawani ng bangko,” sabi sa desisyon.
Hindi rin maisasampa ang kaso laban kay Estrada bagama’t labag sa panuntunan ng Anti-Money Laundering Act ang paggamit ng anonymous account dahil hindi pa ito naisasabatas ng pumutok ang Jose Velarde account sa Equitable PCI bank.
Una nang pinakinggan ng Anti-Graft Court Special Division ang demurrer to evidence na isinumite ng kampo ni Estrada noong 2004 na humihiling na ibasura ang kaso sa kabila ng pag-amin ni Estrada na binuksan nito ang Velarde account upang magsilbing guarantor sa P500-million loan ni Jaime Dichaves kay William Gatchalian ng Wel lex Group of Companies.
Ikinatuwiran ni Estrada na nilagdaan niya ang nasabing alyas dahil na rin sa kasunduan sa Equitable PCI Bank kung saan ang pera umano ay mula kay Dichaves, na siyang tunay na may-ari ng Velarde account.
- Latest
- Trending