MANILA, Philippines - Matapos ang halos tatlong buwang pagmamanman, natunton ng mga operatiba ng Bureau of Customs ang nawawalang P20 milyong halaga ng kargamento ng Zuellig Pharma sa isang bodega sa Quezon City.
Sa ulat, umabot sa 61 kahon ng Pantoloc, 40 mg. na gamot sa ulcer, ang narekober ng mga tauhan ni Customs Intelligence and Enforcement Group Director Gen. Nestorio Gulaberto sa pangunguna ni Customs Police Division chief, Deputy Director, C/Supt. Joey Yuchongco.
Ang kargamento ay lumapag sa NAIA noong Enero 26 ngunit hindi nakarating sa tanggapan ng Zuellig Pharma. Natunton naman ng mga awtoridad mula sa Customs at Central Police District ang kinaroroonan ng kargamento sa No. 5, Banawan St., Masambong, QC.
Nakatakdang ipatawag ni Gualberto ang isang “Joselito Testa” na sinabing kinatawan ng “Majestic Freight” at siyang nagpasok ng nasabing kargamento sa bansa. (Butch Quejada)