Pinoy na nadamay sa lindol sa Italy inaalam
MANILA, Philippines – Inaalam ngayon ng Embahada ng Pilipinas sa Italy kung merong Pilipino sa mga biktima ng 6.3 magnitude na lindol sa nasabing bansa sanhi ng pagguho ng mga gusali sa Timog-Silangang bahagi ng Rome na ikinamatay ng may 27 katao nitong Lunes.
Ito ay mula na rin sa direktiba ng Department of Foreign Affairs kasunod ng kautusan ng Malacañang na tingnan ang kalagayan ng mga Pilipinong apektado sa malakas na lindol.
Base sa report ng US Geological Survey, matinding pinsala ang inabot ng L’Aquila City sa Timog-Silangan ng Roma dahil sa lindol.
Tinatantya naman ng mga awtoridad at search and rescue teams sa Italy na aakyat pa ang bilang ng mga nasawi o nasugatan sa trahedya dahil sa mga pagguho ng mga gusali at mga residential condominiums sa lungsod.
Ayon sa DFA, nakipag-ugnayan na ang Embahada sa Filipino community mula sa lugar na naapektuhan ng malakas na paglindol sa Central Italy. (Ellen Fernando)
- Latest
- Trending

















