7 personalidad isinabit sa pagdukot sa 3 ICRC worker

MANILA, Philippines – Pitong personalidad na kinabibilangan ng tatlong pulis ang sinam­pahan na ng kasong kri­minal dahil sa paki­kipag­sabwatan umano sa mga bandidong Abu Say­yaf sa pagdukot sa tat­long mi­yembro ng International Committee of the Red Cross sa lalawigan ng Sulu, ayon sa opisyal ka­hapon.

Sinabi ni Supt. Jose Ba­yani Gucela, tagapag­salita ng Directorate for Integrated Police Office –Western Mindanao na ka­bilang sa mga kinasuhan sina SPO3 Muhilmi Ismula, ng Sulu Provincial Police Operations Intelligence Section, PO2 Marcial Aha­jan ng Indanan Municipal Police Station at SPO1 Sattal Jadjuli ng Patikul MPS.

Ang iba pa ay sina Ala­no Mohammad, chairman ng Brgy. Kanaway, Parang; Julhassan Awadi, barangay chairman ng Sawaki, Inda­nan; Hadjirul Bombra at Ibnogajir Had­jirul. (May kaugnay na ulat sa pahina 7 ng pahayagang ito)

Sinabi ni Gucela na si Ismula ay napag-ala­mang pinsan ni Abu Say­yaf Commander Albader Pa­rad na siyang may hawak sa dalawa pang bihag na sina Swiss national An­dreas Notter at Italian national Eugenio Vagni.

Ang mga suspeck na hawak na ng Criminal Investigation and Detection Group ay sinampahan ng kasong kidnapping for ransom with serious illegal detention sa Zam­boanga City Prosecutor’s Office .

Sinabi ni Gucela na ang mga suspek ang siya umanong nagbigay ng ‘logistic support’ sa Abu Sayyaf upang dukutin ang tatlong ICRC members noong Enero 15 sa Pa­tikul, Sulu.

Isa sa mga bihag, si Mary Jean Lacaba na isang Pilipina ay nasagip ng militar noong naka­raang linggo. 

Lumilitaw sa inisyal na imbestigasyon na ang mga suspek ay kadugo ng mga matataas na lider ng Abu Sayyaf kung saan ang Misis ni Ahajan ay dating asawa ng napas­lang na si Commander Mujiv. (Joy Cantos)

Show comments