MANILA, Philippines - Target ng Department of Transportation and Com munication (DOTC) sa kanilang Oplan Semana Santa ang “zero accident” kasabay ng panahon ng paglalakbay ng mga motorista ngayong Holy Week.
Sinabi ni Jaime Legaspi, head ng DOTC Oplan Semana Santa na nakahanda na ang may 2,000 personnel ng DOTC nationwide para umasiste at magbigay proteksiyon sa mga motorista at pasahero sa lahat ng daungan at paliparan sa bansa.
Nagtayo na rin ng mga public assistance center ang DOTC para magkaloob ng tulong sa mga pasahero sa pagtawag at pagrereklamo.
Kasabay nito, sinabi naman ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Alberto Suansing na may 400 provincial at Metro buses ang binigyan niya ng special permit para bumiyahe sa mga lalawigan ngayong Holy Week.
Ayon naman kay Betty Jose, head ng Media Communication ng Toll Way Management Corp., nakatitiyak umano sila na magiging maayos ang paglalakbay ng mga motorista papunta sa Norte dahil naihanda na nila ang North Luzon Expressway.
Gayunman, bagama’t hindi natapos ng Malaysian contractor ang construction ng mga kalsada sa South Luzon Expressway. tiniyak naman ni Manuel Antonio, vice president ng Toll Way SLEX na maasistihan ang mga motorista sa kanilang paglalakbay. (Doris Franche)