7 pulis sinibak ni Verzosa
MANILA, Philippines - Dahil sa kabiguang dumalo sa paglilitis ng korte para maparusahan ang mga naarestong drug trafficker, sinibak sa serbisyo ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa ang pitong pulis.
Kinilala ni Verzosa ang mga dinismis sa serbisyo na sina SPO2 Rodolfo Melegrito ng Police Regional Office (PRO) 4 A, PO3 Manolo Hernandez ng National Capital Region Police Office (NCRPO), PO3 Celso Sorita ng NCRPO, Po2 Edgar Lano of Police Regional Office Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), PO2 Ryan Cayabyab ng NCRPO, PO1 Samuel Baluyot ng PRO 3 at PO1 Alexander de los Santos ng NCRPO.
Ayon kay Verzosa, bukod sa pitong pulis ay tatlo naman ang pinatawan ng 60 araw na pagkakasuspinde sa kasong administratibo na nakilalang sina PO3 Alfonso Derequito, SPO1 Carmelo Gariando at PO2 Domingo Dumancil; pawang nakatalaga sa NCRPO.
“Court duty is top priority among all other police duties,“ pahayag ng PNP Chief.
Samantala, inihayag naman ni PNP Spokesman Chief Supt. Nicanor Bartolome na sa random drug testing sa mga PNP personnel sa unang bahagi ng 2009, anim na mga pulis ang lumitaw na positibo sa paggamit ng illegal na droga, lima rito ang sumasailalim sa pre-charge evaluation at isa pa ang sumasailalim sa proseso ng summary dismissal. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending



















