MANILA, Philippines - Mananagot sa batas ang isang umano’y negosyante na nakilala lang sa pangalang “Cuevas” dahil sa paggamit umano nito sa pangalan ni Pangulong Gloria Arroyo at Senador Juan Ponce Enrile sa pag-ooperate ng jueteng.
Bukod kina Pangulong Arroyo at Enrile, ginagamit din daw ni Cuevas ang pangalan ni Mamang Pulis Director General Jesus A. Verzosa.
Ayon sa source, ginagamit umano ni Cuevas ang pangalan ng mga ito sa tuwing may humaharang sa kanyang illegal na negosyo at personal pa itong nakakahiling sa PNP-Criminal Investigation and Detectin Group na i-assist ang kanyang operasyon sa isang lugar.
“Lahat nga minamanduhan niya na para huwag makialam sa kanyang operasyon, matindi talaga dahil maski law enforcement agencies, inuutusan para suportahan din ang kanyang trabaho. Wala lang talaga silang magawa dahil panay ang sambit sa mga pangalan ‘diumano ng kanyang padrino,” anang source.
Bunsod nito’y hiniling ng source na maimbestigahan ang nasabing negosyante upang mahinto na ang illegal na operasyon nito ng jueteng. “Untouchable” raw si Cuevas dahil sa paglalagay umano nito sa mga kilalang pulitiko ng malaking halaga. (Butch Quejada)