MANILA, Philippines - Isang Pinay ang sugatan matapos na paghahatawin ng tubo sa ulo at kaladkarin ng mga umatakeng robbery gang habang patungo sa LRT station sa Petaling Jaya City, Malaysia kahapon ng umaga.
Kinilala ang Pinay na si Marilou Pingol, 38, market researcher sa Malaysia. Siya ay malubhang nasugatan sa ulo bunga ng dalawang beses na paghataw ng isang tubo at kaladkarin ng may da lawang metro ng mga sumalakay na holdaper.
Base sa report, dakong alas-6 ng umaga habang naglalakad si Pingol kasama ang di pinangalanang pinsan patungo sa Kelana Jaya LRT station nang biglang sumulpot ang mga di-kilalang kalalakihan na hinihinalang miyembro ng Mat Rempit Gang.
Bigla na lamang humarang ang nasabing grupo sa dalawa saka pinalibutan at pilit na kinukuha ang bag ni Pingol.
Wala namang nagawa ang pinsan ni Pingol habang pinanonood ang paghataw ng tubo sa Pinay at pagkaladkad dito.
Naghain na ng reklamo sa pulisya si Pingol laban sa mga holdaper. (Ellen Fernando)