MANILA, Philippines - Hinamon ni dating pangulong Joseph Estrada ang lahat ng presidential aspirants na pumirma ng waiver at buksan ang kanilang bank accounts bago magsumite ng kanilang kandidatura o pumuwesto sa pamahalaan, upang masiguro na wala silang malaking halaga ng iligal na kayamanan bago ang kanilang termino.
“I challenge all aspirants to open their bank accounts to the public,” ayon pa kay Estrada.
Aksyon ito ng dating pangulo, matapos na hamunin ni Atty. Nicasio Conti ang lahat ng aspirante mula president, senador, congressman at alkalde na pumirma ng waiver na nagpapahintulot sa mga independent body na inatasan ng pamahalaan na busisiin ang kanilang mga assets at bank accounts bago o matapos makaupo sa kanilang posisyon.
“Anytime I am open,” sabi ni Estrada.
Nilinaw kamakailan ni Conti na sa ilalim ng proposal, ang mga tao na hahawak ng posisyon ay maaring liable sa karagdagang assets maging ito ay sa pananalapi o pagkakaroon ng bagong sasakyan at bahay.
Iginiit nito na ang pagsa-submit ng Statement of Assets and Liabilities and Financial Net worth o SALN ay mahalaga para malaman ang ari-arian ng uupong opisyal na siyang magsisilbing batayan kung nagkamal ito ng salapi sa sandaling nakaupo na sa itinalagang posisyon sa gobyerno, bagay na sinang-ayunan naman ng dating pangulo. (Ricky Tulipat)