Media pumalag sa 'right of reply' bill

Nagkakaisa ang mga pangunahing samahan ng media sa pagtutol sa Right of Reply bill na nakabinbin ngayon sa Kongreso.

Ayon kay Joe Torres, presidente ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), ang nasabing bill ay hayagang pagkitil sa kalayaan ng pa­mamahayag.

Sa nasabing batas, iniuutos na bigyan ng karapatan ang sinuman na magpahayag ng kanilang kasagutan sa pagbatikos na sinlaki at sing-promi­nente ng naunang istorya sa kanila.

Binatikos din nina National Press Club (NPC) President Benny  Antiporda at Alyansa ng Filipinong Mamahayag (AFIMA) Pre­sident Jerry Yap ang itinu­tulak na panukalang batas na inakda ni Senator Nene Pimentel na isang insulto at pagbibintang sa mga media practitioner bilang mga iresponsable.

Sinabi ni Antiporda, kakaunti lamang ang es­pasyo sa dyaryo o ang airtime sa TV at radyo, at kung aaksayahin pa ito sa papogi ng sinuman ay malulugi ang nasabing mga media outfits.

“Bibigyan sila ng espas­yong prominente kahit alam na alam nating nagsisi­nu­ngaling siya..napakasakit para sa isang mamama­hayag na magrereport ka ng tama, at pagkatapos, kina­ bukasan, kakainin mo ang sinabi mo dahil lamang sa bill na iyan,” dagdag ni Antiporda.

Aniya, hindi lamang freedom of speech, of expression, o freedom of the press ang masasagasaan dito kundi ang karapatan ng karaniwang tao na maka­alam ng tamang balita.

Binigyang diin din ni Antiporda na sa halip na ang ‘right of reply’ ang pag­tuunan ng pansin ng mga mambabatas ay dapat nilang unahin ang batas na magpaparusa sa mga killer ng media.

Ang Right of Reply Bill ay ipinasa sa Senado at inaasahang ipapasa rin sa Mababang Kapulungan.

Nanindigan si Pimentel na may karapatan ang tao, kahit isa pa siyang pulitiko, na ipagtanggol ang kan­yang sarili.

Pero ayon kay Bayan Muna Rep. Teddy Casino, ang batas ay malinaw na panakot sa paglalabas ng mga kritikal na istorya ng mga mamamahayag sa pa­nahong sila na lamang ang inaasahan ng taong­bayan para mag-ulat ng mga kurakutan at iregula­ridad sa pamahalaan. (Butch Quejada/Angie dela Cruz)

Show comments