Palawan police pinuri sa pagsagip sa Kana

MANILA, Philippines - Pinapurihan kahapon ni Philippine National Police Chief Director General Jesus A. Verzosa ang pinagsanib na elemento ng pulisya ng Puerto Princesa at ng buong Palawan sa pagsagip sa isang dinukot na Amerikano.

Sinabi ni Verzosa na ipinakita lang sa pagkakaligtas kay Marylee Moore ang kakayahan ng PNP sa mga kasong kidnapping.

Dinukot ng mga armadong tao si Moore noong Pebrero 19 sa Sitio Tagumpay, Puerto Princesa City. Pero nasagip siya ng pulisya kinabukasan.

Idiniin ni Verzosa na hindi katanggap-tanggap ang kidnapping kaya nanawagan siya sa publiko na ireport agad sa mga awtoridad ang mga insidente ng pagdukot.

“Kung meron kayong maibibigay na impormasyon na makakatulong para mailigtas ang mga biktima ng kidnappers, handang umayuda ang pulisya anumang oras at kahit saan,” sabi pa ni Verzosa.

Inaalam pa hanggang sa kasalukuyan ng pulisya kung anong grupo ang dumukot kay Moore. (Joy Cantos)

Show comments