Suporta sa 'di dokumentadong OFWs giit ni Sen. Villar
MANILA, Philippines - Sinalubong kahapon ni Senador Manny Villar ang 31 nagipit na overseas Filipino workers na umuwi sa Maynila buhat sa Riyadh.
Kasabay nito, iginiit ni Villar ang pagbibigay ng agad na suporta sa mga hindi dokumentadong OFW sa gitna ngayon ng krisis pampananalapi.
Tinukoy ni Villar na ang may P250 milyong pondo na Filipino Expatriate Livelihood Support Fund (FELSF) na nilikha para sa mga OFW na apektado ng pandaigdigang krisis ay nakalaan lamang sa mga dokumentadong manggagawa.
Dahil dito, nanawagan ang dating pangulo ng Senado sa pamahalaan na maglaan ng pondo na tulad ng FELSF kung saan maaring makautang ang mga napapauwi na hindi dokumentadong manggagawa upang makapag-umpisa sila ng sariling negosyo o kaya ay magkaroon sila ng mga pagsasanay.
Ang 31 minaltratong OFW na nakauwi, sa tulong ng OFW Helpline 0917 4226800 ni Villar na nagbayad ng kanilang pamasahe at mga multa, ay mangangailangan ng tulong-pangkabuhayan kapag umuwi sila sa kanilang probinsya.
Kabilang sa 31 OFWs si Gloria delos Santos, asawa ni Roger Gemina, ang waiter na lakas-loob na humingi ng tulong kay Villar sa gitna ng selebrasyon sa Manila Polo Club, para makauwi ang asawang nagkasakit sa pagtatrabaho sa Riyadh, Saudi Arabia. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending