World War II veterans dumagsa sa PVAO
MANILA, Philippines - Umaabot sa 300 World War II veterans ang dumagsa kahapon sa tanggapan ng Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) sa Camp Aguinaldo, Quezon City kaugnay ng unang araw ng pagproproseso sa lump sum claims na ipinagkakaloob ng Estados Unidos sa kanilang serbisyo sa giyera.
Karamihan ng mga beterano na dumagsa sa PVAO ay mula sa lalawigan ng Nueva Ecija na bumiyahe pa sa Manila para makabahagi sa $198M compensation grant ng Estados Unidos na hahatiin sa 18,000 rehistradong mga beterano.
Sa ilalim ng lump sum, tatanggap ng kabayarang $15,000 ang mga nabubuhay pang Pinoy veterans na US citizens at $9,000 naman sa mga beteranong narito sa Pilipinas.
Dismayado naman ang mga biyuda at iba pang miyembro ng pamilya ng mga beteranong namayapa na dahil hindi sila makakatanggap ng benepisyo.
Bukod sa mga biyuda, hindi rin kabilang sa mga makakatanggap ng kompensasyon ang mga miyembro ng Hukbalahap. Kabilang naman sa mabebenepisyuhan ay ang mga miyembro ng United States Armed Forces in the Far East (USAFFE), Philippine Scout, Commonwealth Army at iba pang nirerekognisang guerilla groups noong World War II. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending