MANILA, Philippines - Binatikos ni Novaliches Bishop Teodoro Bacani ang “publicity” o gimik na ginagawa ng manufacturer ng condom kung saan pagagamitin ng kompanya ng condom ang mag-asawa kapalit ng kani lang pahayag sa kanilang karanasan sa paggamit nito.
Ayon kay Bacani, ang hakbang na ito ng Durex ay maituturing na isa sa pinakawalang kuwentang promosyon.
Nabatid na sinumang sasali sa promotion na may temang “What makes the best Durex Condom Tester?” ay maaaring manalo ng P50,000 cash at ilang produkto mula sa Durex.
Aniya, mariing tinututulan ng Simbahang Katoliko ang paggamit ng condoms at iba pang contraceptive kung kaya’t hindi lulusot sa kanila ang gimik ng nasabing manufacturer.
Nababahala din si Bacani na sumali ang publiko sa promosyon dahil na rin sa pangangailangan sa pera.
Lumilitaw na target ng condom maker na magkaroon ng panel na aabot sa 500 na pawang mga mag-asawa kung saan ilalahad ng mga ito ang kanilang masasabi sa paggamit ng condoms at lubricants. (Doris Franche)