MANILA, Philippines - Animo’y isang “love story” sa pelikula ang nasaksihan sa loob ng Ninoy Aquino International Airport matapos na payagan ng airport authorities ang isang lalaking nurse na makapag-propose ng kasal sa kanyang kasintahang flight attendant kahapon ng umaga, dalawang araw bago ang Valentine’s day.
Sa harap ng mga kinikilig na pasahero at empleyado ay sinambit ni Eugene Padua, 26, nurse sa UST Hospital ng Taytay, Rizal ang katagang “Will you marry me? at hingin ang matamis na “oo” ng kasintahan ng apat na taon na si Marian Ocampo, 23, flight attendant ng Asia Airlines.
Ayon kay Connie Bungag, hepe ng MIAA Media Affairs Department, dumating si Ocampo sa NAIA Terminal 1 kahapon ng tanghali sakay ng flight OZ-701 galing Seoul, South Korea at nasorpresa sa inihandang marriage proposal ng kanyang nobyo.
Sa arrival area, masayang sinalubong si Ocampo ng kanyang nobyo habang pinapatugtog ang kanilang theme song na “Swept Away” na pinasikat ni Christopher Cross. Sa kalapit na lugar, nakatayo at bitbit ng mga kaibigan ng magnobyo ang isang tarpaulin na may larawan nila at may nakasulat na “Will You Marry Me?”.
“All were watching, some even teary eyed, as the event unfolded. The couple were later asked by the crowd to kiss, which they did as the people around were clapping their hands,” ani Bungag.
Nang tanungin si Padua kung bakit napili nito ang NAIA na lugar upang gawin ang kanyang marriage proposal, sinabi nito na ngayon lamang niya nasundo sa NAIA ang kanyang katipan sa tuwing umuuwi ito mula sa flight. (Ellen Fernando)