Tulong ng US sa 3 ICRC workers hingi
MANILA, Philippines - Dapat na umanong hingiin ng Pilipinas ang tulong ng Amerika para masagip na ang mga kinidnap na miyembro ng International Committee of the Red Cross (ICRC).
Sinabi ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr., malaki ang maitutulong ng intelligence at surveillance equipment ng US military para matukoy ang kinaroroonan ng mga kidnaper at mga bihag.
Sinabi ni Pimentel na hindi naman kailangang mag-deploy ng tropa ang mga Amerikano sa Mindanao pero maaari silang tumulong sa pamamagitan nang pagpapagamit ng kanilang high-tech spy at surveillance equipment.
Ayon kay Pimentel, nasa terms of reference naman ng joint Balikatan military exercises sa ilalim ng Visiting Forces Agreement ang guidelines kaugnay sa pagpapalitan ng intelligence information sa pagitan ng Pilipinas at ng Amerika lalo na sa paglaban sa terorismo.
Ayon pa kay Pimentel, nagamit ang spy planes at iba pang intelligence gathering gadgets ng Amerika sa pagtukoy sa mga Abu Sayyaf na kumidnap sa mga banyaga na kabilang si Grace Burnham at namatay nitong asawang si Martin, ilang taon na ang nakakaraan.
Aminado si Pimentel na kulang ang mga kagamitan ng military at mahihirapan ang mga ito na matukoy ang kinaroroonan ng mga kidnappers at mga miyembro ng ICRC kung hindi pa hihingi ng tulong sa Amerika. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending