4 pang pre-need firms malapit nang mabangkarote
MANILA, Philippines - Tatlo hanggang apat pang pre-need companies kabilang na ang Pryce Plans Inc. ang malapit nang mag-collapse.
Inamin ito kahapon ng Securities and Exchange Commission (SEC) sa joint hearing ng Senate Committee on Trade and Commerce at bank, financial institutions and currencies kaugnay sa naluluging pre-need companies.
Inatasan ng mga senador ang SEC na isumite sa Senado ang listahan ng mga pre-need companies na malapit nang magsara.
Iginiit naman ni Juan Miguel Vazquez, presidente ng Philippine Federation of Pre-need Plan Companies Inc., na ang mga pre-need companies na wala nang balak palakihin ang kanilang negosyo ay dapat itigil na ang pagbebenta ng mga policies.
Samantala, pinaiilit na ni Sen. Mar Roxas sa Bangko Sentral ng Pilipinas at Securities and Exchange Commission ang mga ari-arian ng may-ari ng nabangkaroteng Legacy Group na si Celso delos Angeles upang may ipambayad sa mga naghahabol na plan holders.
Ayon kay Roxas, dapat maibalik sa mga plan holders ang kanilang ibinayad at malaki ang maitutulong ng gobyerno kung makukumpiska ang ari-arian ni delos Angeles.
At upang matukoy kung magkano talaga ang halaga ng lahat ng ari-arian ng may-ari ng Le gacy Consolidated Plans, ipinapasumite ng mga senador ang kopya ng kanyang statement of assets, liabilities and net worth (SALN).
Kabilang umano sa ari-arian ni delos Angeles ang isang P57M halaga ng ari-arian sa Ayala Alabang; luxury cars na nagkakahalaga ng P8 milyon na kinabibilangan ng isang black & silver S-Class Mercedes Benz, isang Porsche Boxter at isang Mercedes Benz SLK sports car; isang yate at bahay sa Cebu.
Ayon kay Roxas, niloko ni delos Angeles ang publiko sa offer nitong dodoblehin ang perang inilagak sa Legacy.
Binakbakan rin ni Roxas ang SEC at ang BSP dahil sa kawalan ng ‘transparency’ sa publiko na hindi umano inabisuhan kaugnay sa mga namemeligrong pre-need companies.
May hinala rin si Roxas na natatakot ang mga opisyal ng SEC at BSP sa malaking personalidad na nasa likod ni delos Angeles na sinasabing malapit kay Vice Pres. Noli de Castro.
Sa susunod na hearing ay tatanungin din umano ni Roxas si delos Angeles kung sino ang koneksiyon nito.
Binigyan ng Senado ng 15 araw si delos Angeles upang isumite ang kopya ng kanyang SALN.
- Latest
- Trending