10 pang Ninoy convict lalaya
Umaasa nang malaki ang Public Attorney’s Office na mapapalaya rin sa buwang ito ang 10 pang preso sa New Bi libid Prison na nasentensyahan sa pagkakapaslang kay dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino noong 1983.
Ito ang inihayag kahapon ni PAO Chief Percida Rueda Acosta kasunod ng pagkakalaya noong Biyernes kina Rolando de Guzman at Felizardo Taran na kabilang sa mga dating sundalo na nakulong at nasentensyahan dahil sa pagkakapaslang kay Aquino.
Nilinaw naman ni Acosta na umaasa rin silang mapapalaya rin mula sa NBP ang may 100 detenidong pulitikal.
Hinikayat naman ni Acosta ang anak ni Aquino na si Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III na samahan siya para sunduin sa NBP ang 10 sundalo sakaling makalaya na ang mga ito anumang oras mula ngayon.
“Ayaw kong kabaong ang sumundo sa kanila, gusto ko siya mismo (Sen. Noynoy Aquino) ang kasama ko kapag sinundo ko ang mga lalayang sundalo,” maluha-luhang pahayag ni Acosta.
Samantala, ayon naman sa medical record na isinumite ng PAO Doctors, napag-alaman na si de Guzman na apat na ulit nang na-stroke sa loob ng NBP ay patuloy na inoobserbahan ngayon dahil sa lumalalang sakit na hypertension at diabetes.
Ayon naman kay Acosta, umabot na rin sa maximum imprisonment na 26 taon ang mga akusado at, base na rin sa umiiral na batas, may karapatan din ang 10 sundalo na makalaya.
Ipapaospital muna para mapagamot sina de Guzman at Taran.
Sinabi ni Acosta na makakabuting tignan muna ang kalagayan ng kalusugan ng dalawang pinalayang preso.
Sinabi ni Acosta na mananatili sa pagamutan ang dalawa hangga’t hindi bumubuti ang kondisyon ng mga ito.
- Latest
- Trending