Dahil sa hinalang nagdudulot ito ng hemorrhagic stroke sa mga kababaihan at seizure sa mga bata, pinayuhan ng Bureau of Food and Drugs (BFAD) ang mga magulang na iwasang bigyan ang kanilang mga anak ng mga gamot na may sangkap na nasal decongestant na tinatawag na phenylpropanolamine (PPA).
Ayon kay BFAD Director Leticia Gutierrez, bago ibigay sa kanilang mga anak ang isang gamot ay basahin muna ang label nito at tiyakin na wala itong sangkap na PPA.
Tiniyak naman ni Gutierrez na gumagawa na ng mga hakbang ang US Food and Drugs Administration (USFDA) upang alisin na ang PPA sa lahat ng drug products.
Hiniling na rin umano nito sa lahat ng drug companies na itigil ang pagbebenta ng mga produkto na may sangkap na PPA.
Samantala, ilang drug-manufacturing companies sa bansa ang nag-“reformulate” na umano ng kanilang mga cold relief medicines at inalis ang sangkap na PPA.
Gumagamit na umano ang mga drug companies ng ibang uri ng decongestant na tinatawag namang “phenylephrine.” (Doris Franche)