Ipagdasal n'yo kami!
Humingi na ng panalangin ang mga bihag na miyembro ng International Committee of the Red Cross (ICRC) kasabay ng panawagan sa gobyerno na gawin na ang lahat ng makakaya at ibigay na ang demand ng grupo ni Abu Sayyaf Commander Albader Parad upang makalaya na sila at makasama ang kanilang mga pamilya.
Umiiyak at nagmamakaawang umapela ang Pinay engineer na si Marie Jean Lacaba, isa sa mga bihag, sa exclusive interview kahapon ng DZEC radio.
“Tulungan nyo kami, kung ano ang kailangan (demand) ay ibigay na para makabalik na kami sa work, marami ang naghihintay sa amin, ipagdasal nila ako, kaming tatlo para makauwi na kami,“ ayon kay Lacaba.
Bukod kay Lacaba, bihag din ang Swiss national na si Andreas Notter at ang Italian na si Eugenio Vagni.
Sa nasabing radio interview ay buong tapang namang inihayag ni Parad na hindi sila makikipagnegosasyon sa sinumang ipapadala ng Task Force ICRC hangga’t hindi ipinatutupad ang pullout ng tropa ng militar.
“Pull out nila lahat ng tropa ng mga sundalo, kapag hindi, walang negosasyon, hindi kami makikipag-usap sa kahit sino,“ matapang na pahayag ni Parad.
Ayon pa kay Parad, bukod sa tatlong ICRC workers ay may hawak pa silang iba pang mga hostages bagaman tumangging tukuyin kung sinu-sino ang mga ito.
Magugunita na nagpahayag ng kahandaan si Vice President Noli de Castro na tumulong sa ne gosasyon ng ICRC sa mga bandido kapalit ng pagpapalaya sa tatlong bihag.
No pullout – AFP
Samantala, nanindigan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi ipu-pullout ang nakadeploy na tropa ng militar sa lalawigan ng Sulu.
Binigyang diin ni AFP Public Information Office (PIO) Chief Lt. Col. Ernesto Torres Jr. na kailanman ay hindi sila nagpapadala sa kautusan at pagbabanta ng mga bandidong Abu Sayyaf na itinuturing nilang mga teroristang grupo.
Sinabi ni Torres na anumang oras na hilingin ng Task Force ICRC na gumamit ng puwersa ay handa silang tumalima.
“Should a military option be resorted by Task Force ICRC to recover the kidnap victims, we are ready for it,” pahayag ni Torres.
Nakahanda na ang armor, naval, army at air component gayundin ang Marine troops at Jolo Internal Defense Force para sa posibleng rescue operations sakaling mabigo ang negosasyon ng Task Force ICRC.
- Latest
- Trending