Random drug testing sa mga estudyante nag-umpisa na
Pormal nang sinimulan kahapon ng Department of Health (DOH) at ng Department of Education (DepEd) ang pagsasagawa nang “random drug testing” sa mga estudyante.
Nabatid na nag-ikot sa mga pampubliko at priba dong paaralan sa Metro Manila ang mga opisyal ng DOH at DepEd kaugnay ng nasabing aktibidad.
Tiniyak naman ng dalawang ahensya ng pamahalaan na hindi malalabag ang karapatan ng mga mag-aaral sa kanilang ginagawang drug testing.
Ayon kay Health Undersecretary Jade del Mundo, random ang pagpili sa mga eskwelahan na kanilang pupuntahan.
Lalagyan aniya ng corresponding numbers ang bawat paaralan at saka ira-raffle sa computer, na siya namang pipili ng 10 eskwelahan. Gayundin aniya ang paraang gagamitin sa pagpili naman ng pangalan ng mga estudyante.
Base sa guidelines na sinusunod ng DepEd at DOH, hindi pipilitin ang mga bata na magpasailalim sa drug test. Gayunman, kumpiyansa naman silang papayag ang mga ito.
Sa inisyung guidelines ng Dangerous Drugs Board walang estudyante na masususpinde o mapapatalsik sa eskwelahan sakaling mapatunayang gumagamit sila ng droga. (Doris Franche/Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending