Inatasan kahapon ni Department of the Interior and Local Government Secretary Ronaldo Puno ang lahat ng pamahalaang lokal na pakilusin ang kanilang lokal na pulisya upang salakayin at ipasara ang lahat ng mga night clubs, karaoke bars, at resorts na hinihinalang ginagamit sa operasyon ng iligal na droga.
Isa ito sa nakasaad sa Memorandum circular na inilabas ni Puno para sa lahat ng gobernador, alkalde at mga punong barangay base sa pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa bawal na gamot.
Pinaalala ni Puno na gawing sorpresa ang mga inspeksyon sa mga establisimiyentong hinihinalang kuta ng iligal na droga upang mahuli sa akto ang operasyon ng sindikato.
Agad namang ipasasara at kakanselahin ang “business permit” ng mga negosyong mapapatunayan na sangkot sa iligal na operasyon.
Sinabihan din ng kalihim ang mga gobernador at alkalde na maglaan ng sapat na tulong pinansyal sa lokal na pulisya para epektibong magampanan ng mga ito ang kanilang tungkulin sa kampanya at tiyakin na tumutulong rin ang mga opisyales ng barangay sa paglilinis sa kanilang lugar sa mga drug pusher at user. (Danilo Garcia)